Saturday, August 4, 2012

Yapos ng Ulan

Niyapos ko ang luha ng langit
Nilasap ang alat ng kalikasan
Umasa akong
Matatapos din ang ulan

Niyapos ko ang ulan
Hindi naubos ang luha ng langit
Sa gitna ng hinagpis ng kalikasan
Pilit kong tinanaw ang ligaya sa lumbay

Niyapos ko ang luha ng langit
Isiningaw ng kalikasan ang init ng araw
Hindi matakasan ang daang balot sa ulan
Ako’y nagtampisaw sa lawa ng luha

Niyapos ko ang ulan
Nagpaubaya sa hampas ng hangin
Nagpabalot sa lamig
Nilimot ang hapdi ng unos

Niyapos ko ang luha ng langit
Dinama ang agos ng tubig
Niyapos ako ng kalikasan
Saka ko naintindihan

boyetme 8/4/12